Skip to main content
University of the Philippines Diliman | College of Social Sciences and Philosophy
  • Author: Ma. Theresa T. Payongayong, PhD
  • Year: 2020
  • Type: Peer-Reviewed Journal Article

Citation:

Payongayong, Ma. Theresa T.  (2020) “Programang Pananaliksik Tungo sa Multikultural at Katutubong Edukasyon.” Talas: Interdisiplinaryong Journal sa Edukasyong Pangkultura. Tomo 5. pp. 14-20.

Abstract:

Sa bisa ng isang Memorandum of Agreement sa pagitan ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman (UPD) at Notre Dame University (NDU) sa Lungsod ng Cotabato, nailunsad ang programang pananaliksik tungo sa multikultural at katutubong edukasyon. Mandato ng UP bilang pambansang unibersidad ang palawigin ang gradwadong pag-aaral at pagpapakadalubhasa para sa mga iskolar, siyentista, manunulat,artista, at propesyonal, lalo’t higit sa mga nagsisilbing guro sa mga kolehiyo at unibersidad ng estado at pribadong sektor. Nais naman ng NDU na makamit ang kalidad na edukasyon sa pamamagitan ng pagpapasigla ng kultura ng pananaliksik sa kanilang unibersidad. Dito nagtagpo ang UPD at NDU. Sa paglulunsad ng programang pananaliksik tungo sa multikultural at katutubong edukasyon sa pagitan ng UPD at NDU, nilayong makapagsanay, makapagturo, at makapaggabay ang mga guro mula sa UPD sa mga guro at manggagawa mula sa komunidad tungo sa harayang makapagsulat at makapaglathala ang mismong mga taga-Mindanao tungkol sa sariling kultura, gawi, at tradisyon. Tatlong dahilan ang nagbunsod sa pagtanggap ng UPD sa hamong makapagbuo ng programa para sa NDU. Pangunahin dito ang tungkulin ng mga guro ng UPD sa gawaing ekstensiyon. Nais din ng mga guro mula sa UPD na matuto sa karanasan ng pagpunta sa Lungsod ng Cotabato at pakikipag-ugnayan sa mga guro ng NDU. Panghuli ay ang kasalatan ng literatura sa lathalaing sinulat mismo ng mga taga-Mindanao. Tinanggap ng UPD at NDU ang hamon ng programa at pormal na nasimulan ang mga gawain noong unang isang-kapat ng 2017.

Ilan sa mga gawaing nailunsad ang writeshop, research fellowship, pagsusulat ng research proposals, pananaliksik, mentoring, at paglalathala. Mahalagang paunang gawain bago ang paglulunsad ng mga nabanggit ang paggalugad sa research agenda ng NDU at pagtukoy sa research interests ng kaguruan at komunidad. Bagaman at maigting ang pagnanais na makapaglathala bilang panghuling gawain, hindi rito nagtatapos ang programa. Tinatanaw rin ang mga posibilidad na magkaroon ng Graduate Level Offshore Programs ang UPD sa NDU at/o makapagtayo ng isang Philippine Studies Research Center sa NDU kalaunan.

Key Words: 

pananaliksik, multikultural, katutubo, edukasyon

Link: 

https://drive.google.com/file/d/1uJi-EFvjQ65fdQhNtYhIDRNpfILPC7XB/view